#DROUGHT CONDITION-1, MULING ITINAAS NG SUBICWATER
Mabilis na pagbagsak ng suplay mula sa mga ilog na pinagkukunan ng Binictican Water Plant (BWTP) ang naitala ng SUBICWATER noong gabi ng Mayo 3, dahilan upang muling ideklara ng kumpanya ang #DroughtCondition1 sa rehiyon.
Unang naapektuhan ang influence area ng Nagbaculao Pumping Station (mula Kalaklan Lighthouse, Nagbaculao, hanggang Coral Street ng Barangay Kalaklan; Skipper, Abra Street, at Rizal Extention sa Barangay Barretto), na kailangang itigil ang operasyon sa mga sandaling nauubos ang laman ng tangke nito.
Kung magpapatuloy ang pagkatuyo ng mga ilog, sunod na maaapektuhan ang Barangay New Cabalan. Pinakakritikal ang Purok-4 (Landfill Area), na nasa pinakadulong bahagi ng distribution system ng planta sa Binictican.
Lubhang nasagad ang ating raw water sources ngayong tag-init dahil noong 2017 naganap ang pinakamababang bagsak ng tubig-ulan sa kasaysayan ng Olongapo at Subic Bay Freeport.
Ang Morong Bulk Water Supply Project, sa kasamaang-palad, ay sa kalagitnaan pa ng 2019 nakatakdang matapos. Sapat sana ang dagdag na suplay na ito para sa projected water demand ng ating rehiyon sa loob ng 20-30 taon.
Sa ngayon, habang hindi pa dumarating ang pinakaaasam nating ulan, hinihimok po namin ang lahat na gawin ang mga sumusunod:
1. Maging matipid sa paggamit ng tubig.
2. Ugaliin nang mag-imbak ng tubig sa malilinis at natatakpang sisidlan.
3. Agad na i-report sa SUBICWATER ang makikitang tumatagas na tubo, pati na rin ang mga pagnanakaw ng tubig.
4. Ipagbigay-alam din lahat ng naglalagay ng harang o di kaya’y nagtatapon ng dumi sa ilog.
Sa sama-samang pagtutulungan, ating malalampasan ang mga hamong dala ng natural na kalamidad na ito. Asahan po ninyo na ang SUBICWATER ay patuloy na maglilingkod, anumang agos ng buhay.
#DroughtMonitor2018
#DroughtCondition1
#SUBICWATER