DEKADA ’90— hindi maitatanggi na isa ito sa mga pinakamapanghamong yugto sa kasaysayan ng Olongapo at Subic Bay Freeport.
Kalagitnaan ng taong 1991 nang magtamo ng matinding pinsala ang siyudad matapos na pumutok ang bulkang Pinatubo. Ang sitwasyon ay lumala pa noong 1992, noong ganap nang napaalis ng gobyerno ang mga Amerikano mula sa Subic Naval Base. Sa isang iglap, mahigit sa 20,000 Pilipino ang nawalan ng trabaho— karamihan ay mga taga-Olongapo.
Bagama’t nalugmok sa kambal na dagok sa buhay, isang layunin ang nagsilbing liwanag ng pag-asa at bukal ng lakas ng loob para sa mamamayan ng Olongapo. Ito ay ang malinang ang mga naiwang pasilidad ng Amerika upang maipakilala ang dating base militar bilang Subic Bay Freeport bilang pinakabagong sentro ng kalakalan sa Timog-Silangang Asya.
Upang maisakatuparan ang naturang mithiin ito, isa sa mga pinakabinigyang-pansin ay ang pagtatatag ng malinis at maaasahang serbisyo ng tubig.

Tubig: Pundasyon ng Kaunlaran
Batid ng mga eksperto na ang pagkakaroon ng maayos na sistemang patubig ang isa sa mga pinaka-pundasyon ng maunlad na sibilisasyon, na siyang pinapangarap para sa rehiyon ng Olongapo at Subic Bay Freeport.
Bagama’t maayos pa ang mga naiwang pasilidad sa Freeport, kakailanganin pa rin ang isang magaling na tagapangasiwa ng sistema upang hindi mag-atubiling mamuhunan ang malalaking negosyo sa Freeport.
Samantala, kritikal naman ang sitwasyon sa ‘labas ng base’. Panahon pa ng mga Kano, ang mga Pilipinong nagtatrabaho sa ‘loob’ ay may kanya-kanya nang igib na tubig pauwi sa kanilang mga tahanan. Sa mga tabing-daan, samu’t-saring sisidlan ang nakaabang sa mga trak na nagrarasyon ng tubig; sa ilog Mabayuan naman kadalasang nagkukumpulan ang mga residente sa tuwing araw nila ng paglalaba.
Masuwerte nang maituturing ang ilang barangay na may paputul-putol na serbisyo mula sa lumang filtration plant. Dahil hindi sapat ang kapasidad, hindi nito lubos na nalilinis ang tubig kung kaya’t kailangan pang salain at pakuluin ang tubig bago inumin.
Lahat ng ito’y nabago simula nang hawakan ng SUBICWATER ang sistemang patubig sa rehiyon noong Abril 1997.

Integrasyon ng Olongapo at Subic Freeport
Agad na ikinasa ng SUBICWATER ang P24-milyong pipeline interconnection project upang maiparating sa Olongapo ang suplay ng tubig mula sa Freeport. Dahil dito, lumakas ang suplay at pressure sa walong barangay na pinakamalapit sa Freeport: Banicain, Kababae, Ilalim, Asinan, Kalalake, Pag-asa, East Tapinac, at West Tapinac.
Sa kalaunan, naiparating din ng SUBICWATER ang tubig mula Freeport hanggang sa mga bulubunduking barangay ng Old Cabalan, New Cabalan, at maging sa Barretto.
Sa ganitong istratehiya, ang produksiyon ng planta sa Mabayuan ay inilaan sa mga barangay ng Gordon Heights, Sta. Rita, Mabayuan, East Bajac-bajac, West Bajac-bajac, at Kalaklan. Bumuti rin ang serbisyo ng tubig sa mga lugar na ito sapagkat sa kanila na lamang nakatuon ang operasyon ng planta sa siyudad.
Modernisasyon ng mga Planta
Ang Mabayuan Water Treatment Plant (MWTP) ay itinayo ng mga Amerikano noon pang 1945. May orihinal itong kapasidad na 3.06 MLD (milyon litrong tubig araw-araw), na sapat lamang para sa humigit-kumulang na 15,000 na populasyon ng Olongapo noon.
Makalipas ang halos 50 taon, ang populasyon ng Olongapo ay lumobo na sa 193,900 noong 1990; ang kabuuang tubig na nakokonsumo noon ay nasa 10 MLD lamang— kapus na kapos kung susuriin.
Sa pagdating ng SUBICWATER noong 1997, agad na nagtayo ang kumpanya ng P9.5 milyong clarifier upang dagliang mapabuti ang kalidad ng tubig mula sa Mabayuan plant. Nasundan pa ito ng malalaking proyekto noong 2004 at 2010 na nag-angat sa treatment capacity nito sa 38 MLD— halos triple kumpara sa nadatnang kapasidad nito na 10 MLD noong 1997.
Ang dating nakabibinging ingay at nakasusulasok na usok mula sa diesel engine-driven (DED) pumps ay lubusan na ring nawala nang mapalitan ng electro-mechanical pumps (EMPs). Bukod sa napakatahimik at walang emisyon, ang EMPs ay mas matipid gamitin sa operasyon ng mga planta at pumping stations.
Dumaan na sa matitinding pagsubok ang Binictican Water Treatment Plant (BWTP). Kasama na riyan ang pagputok ng bulkang Pinatubo, mga lindol at bagyo, at ang mismong panahon na nagpatanda sa mga istruktura.
Gayunpaman, nagawa pang isalba ng SUBICWATER ang karamihan sa mga pasilidad ng BWTP sa pamamagitan ng malawakang rehabilitation program, at sunud-sunod na retrofitting at upgrade works. Nagtayo rin ng mga bagong istruktura ang kumpanya tulad ng chemical house, dagdag na filtration at waste water recovery facility, at iba pa.
Ang dalawang planta ng SUBICWATER ay ginamitan ng mga makabagong pamamaraan at teknolohiya upang gawing mabilis, maasahan, ligtas, at walang patid ang pagproseso ng tubig.
Bukod pa sa pagpapalakas ng kapasidad ng BWTP at MWTP, hindi rin tumigil ang SUBICWATER sa pagtatayo ng mga dagdag na deep well. Sa ganitong paraan, nakamit ng kumpanya ang kakayahang magsuplay ng 87 milyong litrong tubig araw-araw.

Pipeline Network
Mawawalan ng saysay ang malakas na produksiyon ng tubig kung hindi naman maayos ang dadaluyan nitong mga tubo, o di kaya’y hindi naaabot ang mga komunidad na nangangailangan ng tubig.
Noong 1997, ang kabuuang haba ng pipe network sa rehiyon ay nasa 253 kilometro lamang. Sa 20 taon sa ilalim ng SUBICWATER, ito ay halos natriple sa habang 994 kilometro— nadagdagan ng mahigit 740 kilometro (hindi pa kabilang ang mga napalitang linya na inilatag ng mga Amerikano noon pang 1940s).
Sa bawat taon na lumipas, lalong lumawak at bumuti ang serbisyo ng tubig. Unti-unting nawala ang mga pila para sa rasyon ng water tankers. Di nagtagal, natamasa ng maraming residente ang 24 oras na suplay.
Naipaakyat din ng kumpanya ang tubig sa mga bulubunduking lugar ng rehiyon, partikular sa matataas na bahagi ng Gordon Heights, Mabayuan, Kalaklan, Old Cabalan, at New Cabalan. Sa mga pamayanang dati’y iniiwasan dahil sa walang mapagkukunang suplay ng tubig, parang kabuteng nagsulputan ang mga bagong kabahayan na mistulang sumusunod sa mga bagong linyang nilatag ng SUBICWATER.
Ang pagpapasinaya sa mga expansion project sa Little Baguio at Sibul Area sa East Bajac-Bajac, Nagbaculao at Coral Street sa Kalaklan, Abra Street at kadulu-duluhan ng Rizal Extension ng Barretto, ay konkretong indikasyon na halos lahat na ng matataas na komunidad sa rehiyon ay kaya nang suportahan ng sistemang patubig.
Sa katunayan, mula 20,000 na accounts noong 1997, and kumpanya ay nagsusuplay na sa mahigit 47,000 na mga kabahayan at establisyemento sa ngayon.
Kahit na mahigit doble ang itinaas ng bilang ng mga kostumer, nagawa pang ibaba ng kumpanya ang bilang ng kanyang manggagawa— pruweba ng masinop at episyenteng pagpapalakad ng SUBICWATER. Kung dati’y mayroong 7.09 na manggagawa sa bawat 1,000 kuneksiyon ng tubig, ngayon ay nasa 2.76 na lamang ang bilang na ito.
Mula 1997, mahigit P2.03 bilyon na ang ginastos ng SUBICWATER sa rehabilitasyon at modernisasyon ng mga pasilidad, pagtatayo ng mga bagong istruktura, paglalatag ng mga bagong tubo, at pagbili ng mga makabagong kagamitang lubos na nagpaangat ng kalidad ng serbisyo ng tubig.

Mga Panibagong Hamon
Laging sinasabi na ang isang organisasyon ay maihahalintulad sa isang tao; bawat isa ay may natatanging personalid. Ang SUBICWATER, kung gayon, ay maaaring ihalintulad sa isang mountaineer, na kailangang talunin ang tarik at layo ng lakbayin maparating lamang ang tubig sa pinakahuli-hulihang pamayanang nangangailangan nito.
At wika nga ng mga batikan, mas lalong humihirap ang akyatin habang papalapit na sa pinakatuktok ng bundok.
Lumalaking ‘Sambahayan’
Kasabay sa paglago ng water service coverage at paglakas ng produksiyon ang pagdami naman sa bilang ng mga balon, pump station, booster station, reservoir, at iba pang katulad na pasilidad sa sistema ng SUBICWATER.
Bagama’t kahanga-hanga ang mga cost reduction program ng kumpanya pagdating sa elektrisidad, kemikal, langis, at iba pang malalaking gastusin, wala naman itong kontrol sa patuloy na pagtaas ng pangkahalataang presyo ng mga bilihin, o inflation.
Sa nakalipas na anim na taon, nasa 50 porsiyento na agad ang itinaas ng presyo sa kuryente pa lamang, na siyang pinakamalaking pinagkakagastusan ng SUBICWATER. Lahat ng pasilidad ng kumpanya kasi ay nangangailangan ng kuryento upang makapagproseso at maghatid ng tubig sa mga pamayanan.
Isa ring nakadaragdag sa gastos ay ang paghina ng piso kontra dolyar. Maraming produkto na kinakailangan sa operasyon ng SUBICWATER ay inaangkat pa mula sa ibang bansa, tulad ng mga kemikal na panggamot sa tubig, pumps at motors, spare parts, iba’t-ibang klase ng tubo at fittings, metro ng tubig, at marami pang iba.
Upang mabawas sa epekto ng inflation, kailangang maghanap pa ang kumpanya ng ibang paraan upang makatipid. Ilan sa mga nakikitang potensyal ay ang paggamit ng solar energy, ang pagpapatuloy ng automation sa operasyon ng mga planta at ibang pasilidad, at pagsasaliksik ng mga teknolohiya na magpapatipid sa lahat ng aspeto ng operasyon.

Paghahanap ng Bagong Suplay
Gayong tila ay naaabot na natin ang sukdulang kapasidad ng ating raw water sources, patuloy naman ang paglaki ng populasyon at pagsigla ng kalakalan sa Olongapo at Freeport. Lalo ring lumalaki ang pangangailangan natin sa karagdagang suplay ng tubig.
Sa mga nakalipas na taon, matagumpay na nakapagtayo ng mga bagong deep wells ang SUBICWATER sa Barretto, New Cabalan, at sa Freeport. Ngayong 2017, may posibilidad na dalawa pang balon ang magawa ng kumpanya, at ilan pang karagdagan sa mga sumusunod na taon.
Masuwerte nang maituturing kung ang isang balon ay kayang serbisyuhan ang 300 daang pamilya. Sa kasalukuyang sitwasyon, maski mahihinang kapasidad na balon ay ginagamit na rin ng SUBICWATER makadagdag lamang ng suplay kahit sa ilang maliliit na komunidad.
Kritikal na Suplay ng Tubig
Sa nakalipas na anim na taon, naranasan ng SUBICWATER ang ilan sa pinakamalalang kaso ng tagtuyot. Lubhang nakakabahala ang mga naitatalang datos taun-taon— patuloy na humihina ang tubig mula sa ating raw water sources. Bukod pa sa patuloy na aktibidad ng tao na sumisira sa ating mga kabundukan at kailugan, ang pagbabago ng klima, o climate change, ang isa pang nakikitang banta na kung di magagawan ng paraan ay tiyak na magdudulot ng krisis sa hinaharap.
Sa mga susunod na taon, pag-iigtingin ng kumpanya sa tulong ng mga sangay ng gobyerno ang adbokasiya nitong maisalba ang mga natitira pa nating likas na yaman laban sa sa illegal loggers, informal settlers, at mga pribadong tao at korporasyon na walang habas na nagtatapon ng dumi sa kapaligiran.

Pinag-aralang mabuti ni ‘Lyn’ ang lahat ng water treatment compounds na nasa merkado at siya’y matagumpay na nakatuklas ng katangi-tanging dosing system na hindi lamang nagresulta sa pagbaba ng 15 porsiyento sa gastos sa kemikal, kundi nagpababa rin ng dami ng tubig na nakokonsumo sa aktuwal na water treatment cycle.
Ang pagpupursigi at pagmamalasakit na ito ni Lyn ang nagbigay dahilan upang maitanghal siya bilang isa sa mga Ten Outstanding Freeport Workers sa taong 2016.
Pagtawid-Bakod
Taong 2011 pa lamang ay nakikipag-usap na ang SUBICWATER sa mga opisyal ng Olongapo at Subic Bay Freeport upang maikasa ang bulk water supply agreement sa Morong, Bataan.
Sa mga pag-aaral na isinagawa ng SUBICWATER, ang proyektong ito ang lumitaw na pinakapraktikal na solusyon sa kinakailangan nating dagdag na suplay— pinakamabilis na magagawa, at pinakatipid— kumpara sa pagbili ng tubig sa malalayong bayan ng Zambales. Kung ang proyekto’y mapapayagan, mahigit 20 milyong litrong tubig araw-araw ang maaari nitong maidagdag agad sa ating pangkahalatang suplay.
Gayunpaman, nakahanda rin ang kumpanya na gamitin kung kinakailangan ang desalination technology ng sembcorp, ang multinational na kumpanyang nakabase sa Singapore at isa sa mga may-ari ng SUBICWATER. Ang teknolohiyang ito, bagama’t napakamahal, ay kayang gawing tubig-inumin ang tubig na mula sa dagat.
Pinatatag ng Pagsubok
Tunay ngang napakalayo na ang narating natin ngayon kumpara sa ating lugmok na sitwasyon noong dekada ’90. Ang Olongapo ay isa nang ganap na highly-urbanized city, habang ang Subic Bay Freeport naman ay hinirang na “Best Freeport in Asia” kamakailan lang.
Gayundin, ang SUBICWATER ay kinikilala bilang ‘success story’ ng pamahalaan sa istratehiya nitong mapaunlad ang mga pangunahing serbisyo sa mamamayan sa pamamagitan ng public-private-partnership o PPP. Ang SUBICWATER ang kauna-unahang water utility provider na itinatag sa ganitong pamamaraan dito sa Pilipinas, at maging sa buong Timog-Silangang Asya.
Sa kabila ng mga nakamit na tagumpay, hindi pa rito natatapos ang ating laban; kinakailangan ang ibayong pagsisikap upang atin pang maiangat ang kalidad ng pamumuhay sa rehiyong ito.
At habang ginagawa ng bawat isa ang kani-kanilang gampanin sa lipunan, makakaasa ang lahat na patuloy namang nakasuporta ang SUBICWATER, na tahimik na naglilingkod, anuman ang agos ng buhay.