Sa buwan pa ng Hulyo magsisimula ang tuluy-tuloy na buhos na ulan ayon sa pagtataya ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Kung ito nga ang mangyayari, isang malaking hamon ang haharapin ng mga taga-Olongapo at Subic Bay Freeport sa kadahilanang napakakaunti ang tubig-ulan na nakapondo ngayon sa ating mga watershed. Mula sa 8,334 mm na average rainfall noong 2016, ito ay bumagsak ng 50 porsiyento noong 2017 sa 4,087 mm.
Kitang-kita ang epekto ng datos na ito sa kalagayan ng ating mga ilog. Mula sa total average streamflow na 267 MLD (million liters per day) noong 2016, lubhang bumaba ito ng 56 na porsiyento noong 2017 sa 150 MLD na lamang.
Gaano katindi ang panahon ng tagtuyot ngayong 2018?
Kung hindi tayo dadalawin ng ilang malakas-lakas na ulan, malaki ang posibilidad na maulit o di kaya’y mahigitan pa ang nangyaring kakapusan sa tubig noong 2011.
Sa taong iyon, napilitan nang ilimita ng SUBICWATER ang serbisyo ng tubig tuwing makalawang araw na lamang para sa mga residente ng Gordon Heights, Mabayuan, at Kalaklan. Layunin ng istratehiyang iyon na maituon ang kakaunting suplay sa iilang lugar lamang, at nang sa gayon ay makamit ng SUBICWATER ang kinakailangang water pressure sa sistema ng distribusyon at maipaabot ang tubig sa pinakamatataas na bahagi ng Olongapo.
Sa Barangay New Cabalan, pagrarasyon ng tubig sa pamamagitan ng water tankers naman ang kinailangang gawin ng SUBICWATER.
Bakit nauunang mawalan ng tubig ang New Cabalan sa tuwing kinakapos ang suplay?
Mula sa Binictican Water Treatment Plant (BWTP) sa loob ng Subic Bay Freeport, kailangan munang dumaan ang naprosesong tubig sa halos 10 kilometrong haba ng mga tubo papuntang New Cabalan.
Sa mga panahong mahina ang raw water supply at malakas ang water demand, kakaunting tubig na lamang ang nakararating sa mga reservoir ng New Cabalan. Habang bumababa ang antas ng tubig sa mga reservoir, dumarami naman ang mga lugar na nawawalan ng tubig— simula sa pinakamatataas at pinakamalalayong lugar.
Ganito rin ang nangyayari sa ilang parte ng Barangay Kalaklan at Barangay Barretto na sineserbisyuhan din ng BWTP. Ito ang mga komunidad malapit sa National Highway mula Kalaklan Lighthouse papuntang Nagbaculao, Coral Street, at hanggang sa Abra Street at Rizal Extension ng Barretto.
Ano naman ang dapat na asahan ng mga locator at residente sa Subic Bay Freeport?
Karamihan sa mga pinagkukunan natin ng tubig ay nasa Freeport. Mas matagal matuyo ang mga ilog dito sapagkat buo at protektado ang tropical rainforests na nagsisilbing natural na imbakan ng tubig , o ‘watershed’.
Dahil dito, patuloy na magiging angkop ang serbisyo ng tubig upang masuportahan ang normal na daloy ng komersiyo sa Freeport.
Sa paghina ng raw water supply, ang mga lugar na pinakamalayo sa BWTP ang unang naaapektuhan, partikular na ang 13 barangay na umaasa sa plantang ito.
SUBICWATER Drought Monitor
Itinatag ang SUBICWATER Drought Monitor upang magkaroon ng sapat na gabay ang publiko sa lagay ng ating water system sa panahon ng matinding tagtuyot.
Apat na Drought Condition Levels ang maaaring ideklara ng kumpanya depende sa laki ng agwat ng suplay ng tubig kumpara sa demand. Bawat Drought Condition Level ay may kaakibat na color-coded maps kung saan makikita ng lahat ang inaasahang antas ng serbisyong tubig sa kanilang lugar— partikular na sa haba ng oras na may suplay (water availability) at pressure.
Ano ang ba ang ‘Drought’?
Sa simpleng kahulugan, ang ‘drought’ na salitang Ingles ay tumutukoy sa mahabang panahon kung kailan wala o napakakaunti lamang ang ‘precipitation’ (ulan o niyebe) na bumabagsak sa isang lugar. Sa wikang Filipino, tinatawag natin itong panahon ng ‘tagtuyot’.
Drought? Dry Spell? Ano ang pagkakaiba?
Nagbigay ng sumusunod na kahulugan ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA):
Dry Spell- tatlong magkakasunod na buwan na kung kailan ang bumagsak na tubig-ulan ay bahagyang mas mababa sa average rainfall (mula 21 porsiyento hanggang 60 porsiyento).
Drought- tatlong magkakasunod na buwan na lubhang napakakaunti ang natanggap na ulan (higit sa 60 porsiyento ang ibinaba kumpara sa average rainfall).

Bisitahin ang www.subicwater.com.ph/droughtmonitor2018
para sa pinakabagong anunsiyo ng SUBICWATER tungkol sa
kalagayan ng ating suplay ng tubig.
Anong permanenteng solusyon ang ginagawa ng SUBICWATER?
Noong Oktubre 2017 ay pormal nang nilagdaan ang isang bulk water supply agreement sa pagitan ng SUBICWATER at Morong Power and Water Corporation (MPWC). Ang dagdag na suplay mula sa bayan ng Morong, Bataan ang pinaka-praktikal at pangmatagalang solusyon upang matugunan ang lumalaking kakulangan sa suplay ng tubig.
Kasalukuyan nang ginagawa ang mga proyektong magdadala ng dagdag na suplay na ito sa ating lugar. Tinatayang sa kalagitnaan ng 2019 ay maisasakatuparan na ang layuning ito ng SUBICWATER.
Ano ang magagawa natin sakaling magkulang na ang suplay ngayong 2018?
Para sa mga pinakakritikal na mga komunidad sa New Cabalan, Old Cabalan, Gordon Heights, Mabayuan, Kalaklan, at Barretto, mainam nang magkaroon ng mga malilinis at natatakpang sisidlan ng tubig sa mga kabahayan. Kailangang samantalahin ang pagbalik ng suplay sa gabi o madaling-araw, kung kailan mahina na ang water demand. Upang hindi gaanong maabala sa pag-iimbak ng tubig, mainam na maglagay ng mga tangke na kusang mapupuno sa tuwing manunumbalik ang serbisyo ng tubig.
Para naman sa pangkalahatan, isinusulong ng SUBICWATER ang matipid at matalinong paggamit ng tubig. Iwasan muna natin ang mga gawaing malakas ang hugot sa ating suplay, tulad ng madalas na paghuhugas ng mga sasakyan at sobrang pagdidilig sa ating mga bakuran. Para sa iba pang Tipid-Tubig Tips, paki-‘like’ lamang ang aming facebook page: fb.com/subicwater.
Bukod sa social media, amin ding inaanyayahan ang lahat na umantabay sa SUBICWATER Drought Monitor sa www.subicwater.com.ph/droughtmonitor2018. Sa sama-samang pagtutulungan, magagawa nating mapagtagumpayan ang mga hamong dala ng matinding tagtuyot.
Siguruhing may nakahanda nang lalagyan ng tubig, lalo na’t kung nasa malayo at nasa mataas na bahagi ng Olongapo ang inyong kabahayan.