Nagbigay-babala ang water service provider ng Olongapo City at Subic Bay Freeport hinggil sa tumataas na insidente ng pagnanakaw sa mga kuntador ng tubig.
Ayon sa Subic Water and Sewerage Co., Inc. (SUBICWATER), karamihan sa mga pagnanakaw ay naganap sa tinatawag nitong ‘City South Area’, kung saan nabibilang ang barangay Banicain, Kababae, Ilalim, West Tapinac, East Tapinac, Asinan, Kalalake, at Pag-Asa.
May ilan ring kaso ng pagnanakaw ang naiulat sa East Bajac-bajac, Old Cabalan (kabilang sa ‘City North Area’), at maging sa Subic Bay Freeport.
Ayon sa tagapagsalita ng SUBICWATER na si Hernan Habacon, nangyayari ang nakawan sa madaling-araw sapagkat nagugulat na lamang ang mga nabiktima pagkagising nila sa umaga.
“Malakas ang loob ng mga gumagawa nito— pati steel cages na pumo-protekta sa mga metro ay nilalagari na nila,” ani ni Habacon.
“Maging mapagmatyag po sana tayo sa mga kahina-hinalang tao na gumagala sa ating lugar. Sa mga may-ari naman po ng mga junk shop, huwag po sana nating bilhin ang mga metro ng tubig sapagkat malamang ay galing po ito sa masama.”
Nananawagan ang SUBICWATER na ipagbigay-alam agad sa kanila o sa pinakamalapit na himpilan ng pulis ang sinumang may impormasyong makatutulong sa pagdakip ng mga salarin.